Simula taong 2023, sinimulan na ng Pamahalaang Bayan ng Naujan na ipatupad ang tamang nilalaman ng Revenue Code na naipasa pa noong 2004. Sa taon ding ito, sinikap ng pamahalaang bayan sa pamamagitan ng Business Permit and Licensing Office (BPLO) na maipatupad ang paggamit ng Integrated Business Permits and Licensing System (iBPLS) na nagpadali ng proseso ng pagkuha ng business permit sa ating munisipyo.

Sa katunayan, sa mga nakalipas na taon, hindi kaagad nakukuha ng ating mga negosyante mula sa Distrito Syete at Otso ang kanilang business permit at naghihintay pa sila ng ilang araw bago ito matanggap. Sa pagsisimula ng paggamit ng iBPLS, naging digitalized na ang pagkuha ng business permit na isa sa minamandato ng RA11032 o ang Ease of Doing Business Act.
Dagdag pa dito, ang mga tamang computation ng mga Business Tax o Annual Tax na base sa gross sales ng mga negosyo ay nai-encode din sa iBPLS na siyang awtomatikong nagkukwenta ng halagang babayaran ng mga nag-a-apply ng business permit. Sa pamamagitan din ng iBPLS, maaari ng mag apply ng business permit online na mas convenient sa ating mga business owners.



Sa loob ng dalawang taon (January 2024 at January 2025), hindi na nagkaroon ng extension sa pagkuha ng business permit sa kadahilanang mas inilapit na ng pamahalaang bayan sa mga barangay ang serbisyo ng Business Permit and Licensing Office.
Sa katunayan din, noong January 2024, nagsagawa ang BPLO ng apat na satellite Business One Stop Shop sa mga barangay ng Inarawan, Aurora, Melgar A, at Barcenaga. Sa taon namang ito, minabuti ng pamahalaang bayan na kada-Distrito ng Bayan ng Naujan ay makapagsagawa ng satellite Business One Stop Shop na kinabibilangan ng mga barangay ng Malinao, San Agustin 1, Melgar A, Barcenaga, Nag Iba II, Inarawan, Aurora, at Poblacion III (Naujan Public Market). Sa pamamagitan ng ganitong gawain, mas nailalapit ng pamahalaang bayan sa mga mamamayan ang serbisyo ng BPLO at mas lalo pang napadali ang pagkuha ng business permit.



Ayon din sa nakasaad na umiiral na Revenue Code, ang renewal period sa pagkuha ng business permit ay hanggang January 20 ng kada taon. Bukas ang BPLO sa anumang katanungan o paglilinaw hinggil sa proseso at pinagbayaran sa pagkuha ng business permit.